Magsino

1M trabaho sa Saudi Arabia na nakuha ng DWM para sa mga Pilipino ikinagalak ng OFW Party List

Mar Rodriguez Jun 11, 2023
154 Views

IKINAGALAK ng OFW Party List Group sa Kamara de Representantes ang naging pagkilos ng Department of Migrants Workers (DMW) matapos makakuha ang ahensiya ng isang milyong trabaho para sa mga Pilipino sa Saudi Arabia.

Dahil dito, pinasalamatan ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino si DMW Secretary Susan “Toots” Ople dahil sa pagse-secure o pagkuha nito isang milyong trabaho para sa mga Pilipino partikular na para sa mga bagong graduate ngayong taon na naghahanap ng mapapasukang trabaho.

Sinabi ni Magsino na ang naging pagkilos ng DMW ay nagbibigay ng malaking pag-asa para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa bansang Kuwait matapos ipatupad ng pamahalaan nito ang “visa ban” at pagsasara ng kanilang boarder para sa mga OFWs.

Nauna rito, sinuportahan ni Magsino ang inilatag na rekomendasyon ng House Committee on Foreign Affairs patungkol sa paglulunsad ng “total ban” para deployment ng mga OFWs sa Kuwait.

Ipinahayag din ng kongresista na dahil isang milyong trabaho ang naghihintay para sa mga Pilipino sa Saudi Arabia. Aminado si Magsino na posibleng samantalahin naman ng mga illegal recruiter ang naturang pagkakataon para pagkakitaan ang mga inosenteng applikante na nais makipagsapalaran sa Saudi Arabia.

Dahil dito, pinayuhan ni Magsino ang mga Pilipinong aplikante na mag-ingat sa mga inaaplayan nilang trabaho. Kung saan, sinabi pa ng OFW Lady solon na huwag silang mag-a-apply ng trabaho sa pamamagitan ng “online” sapagkat dito kadalasan nangyayari umano ang illegal recruitment.

Samantala, nagsagawa naman ng “Fish Processing Training” ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 3 sa pangunguna ni OWWA Region 3 Director General Atty. Falconi “Ace” V. Millar sa lalawigan ng Bataan sa pakikipagtulungan nito sa National Reintegration Center for OFWs (NRCO).

Sinabi ni Atty. Millar na sa pamamagitan ng “Balikbayan Program” ng NRCO. Limampung miyembro ng Orion OFW Family Circle (OFC) Federation ang sumailalim sa nasabing training para turuan ang mga OFWs na makapag-patayo ng kanilang sariling negosyo dito sa bansa.

Idinagdag pa ni Millar na sa ilalim ng “Balikbayan Program”, tinutulungan nila ang mga OFWs na makapag-simula ng kanilang sariling negosyo sa Pilipinas matapos ang mahabang panahong pagta-trabaho nila sa ibang bansa.