Calendar
2 arestado, 29 nasagip ng NBI sa sex exploitation ring sa Bulacan
BILANG bahagi ng walang humpay na kampanya laban sa human trafficking, naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI), sa pamamagitan ng Cybercrime Division (CCD), ang dalawang indibidwal at nailigtas ang 29 na biktima, kabilang ang limang menor de edad, sa isinagawang entrapment operation sa San Jose Del Monte noong Sabado.
Ang operasyon ay nag-ugat kasunod sa reklamo ng isang non-government organization tungkol sa mga paglabag ng umano’y sindikato sa Republic Act No. 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003).
Nagsagawa ng malawakang cyber surveillance ang mga operatiba ng NBI-CCD simula Enero 20, 2026.
Natuklasan sa imbestigasyon na ang mga suspek ay nagsisilbing bugaw sa social media kung saan inaalok nila ang mga biktima,
Namamahagi umano ang mga suspek ng mga tahasang sekswal na litrato ng mga biktima at nakipag-transaksiyon sa mga kliyente. Naniningil sila ng mula ₱3,500 hanggang ₱5,000 sa mga kliyente kung saan mayroon silang komisyon.
Nitong Enero 28 ay nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng NBI-CCD sa San Jose Del Monte, na nagresulta sa agarang pag-aresto sa mga suspek at pagsagip sa 29 na biktima.
Ang mga suspek ay iniharap para sa inquest proceedings sa San Juan Del Monte Prosecutor’s Office. Nahaharap sila sa mga kasong qualified trafficking in persons sa ilalim ng Seksyon 4(e) ng RA 9208, na sinususugan ng RA 10364 at RA 11862.
“Nananatiling matatag ang NBI sa pangako nitong protektahan ang mga bata at mahihinang indibidwal mula sa mga naglalayong pagsamantalahan sila,” sabi ni NBI Director Atty. Angelito DLP. Magno. “Hinihikayat namin ang publiko na manatiling mapagmatyag at iulat ang anumang pinaghihinalaang kaso ng human trafficking sa tamang awtoridad,” dagdag niya.

