Calendar
Ang dating pulis na sumuko sa mga otoridad. JONJON C. REYES
Ginang inakusahan ng gahasa ex-pulis
Suspek nag-alok na tulungan ang biktima na makipagbalikan sa mister
KINUMPIRMA ng National Bureau of Investigation (NBI) ang boluntaryong pagsuko ng isang dating pulis sa NBI-National Capital Region (NBI-NCR) sa Pasay City nitong Miyerkules.
Ito ay matapos mag isyu ng warrant of arrest ang Regional Trial Court Branch 52 Manila City kaugnay ng kasong panggagahasa sa ilalim ng Article 266-A, Paragraph 1(b) ng Revised Penal Code, na sinususugan ng R.A. 8353.
Sumuko ang suspek matapos na pormal na i-coordinate ng kanyang legal counsel ang kanyang layunin na isumite sa legal na kustodiya.
Ang kaso ay nagmula sa isang reklamong inihain ng isang babaeng kinilala sa mga ulat bilang “Anna.”
Sinabi ni Anna na lumabas siya isang gabi sa Quezon City kasama ang suspek.
Nag-alok umano ang suspek na tulungan ang biktima na makipagbalikan sa kanyang mister.
Ayon sa ulat, binisita nila ang ilang establisyimento sa kahabaan ng Tomas Morato Avenue sa lungsod ng Quezon kasama ang iba pang indibidwal, kabilang ang isa pang pulis, opisyal ng barangay, at isang babaeng kasama nila.
Sinabi ni Anna na matapos niyang uminom ng isang inumi mula sa isang baso ay bigla siyang nawalan ng malay. Dahil dito ay naghinala siya na may nilagay sa kanyang ininom.
Nang maglaon ay nagkamalay na siya ay nasa loob na siya sa silid ng isang motel kung saan siya ay diumano’y pinagsamantalahan ng suspek.
Idinagdag niya na natigil lamang ang kahalayan sa kanya nang tumangi na ito matapos siyang magkamalay.
Nakarating sa mga awtoridad na ang suspek ay natatakot sa kanyang kaligtasan dahil sa kumakalat na ulat na siya ay isang takas at wanted sa batas.
Napag-alaman din na ang suspek ay wala na sa serbisyo bago siya sumuko.
Nasa kustodiya na ngayon ng NBI-NCR ang akusado at ipoproseso bago i-turn over sa kaukulang awtoridad ng korte para sa legal na paglilitis.
“Tinatanggap namin ang boluntaryong pagsuko ng paksa bilang isang hakbang sa pagtataguyod ng panuntunan ng batas at awtoridad ng ating sistema ng hustisya. Patuloy na haharapin ng NBI ang usaping ito nang may pinakamataas na antas ng propesyonalismo. Tinitiyak na ang imbestigasyon ay masinsinan, walang kinikilingan, at mahigpit na ginagabayan ng angkop na proseso,” ani NBI Director Angelito DLP. Magno.

