Calendar
2 batang nawawala nakitang lumulutang sa Marikina River
DALAWANG bata na kapwa naiulat na nawawala ang natagpuang patay matapos umanong huling makitang naglalaro malapit sa Marikina River, ayon sa mga awtoridad.
Ayon sa Marikina Command Center, sa pamamagitan ng Rescue 161, nakatanggap sila ng ulat noong Linggo, Setyembre 20, hinggil sa dalawang batang nawawala matapos umanong maglaro malapit sa ilog sa boundary ng Quezon City at Marikina City.
Kapwa residente ng Quezon City ang dalawang bata.
Agad na nagsagawa ng paghahanap sa kahabaan ng ilog ang mga tauhan ng Rescue 161, katuwang ang mga opisyal ng barangay sa lugar.
Makalipas ang ilang oras, nakatanggap ang mga awtoridad ng ulat hinggil sa isang bangkay ng bata na nakita umanong lumulutang sa bahagi ng ilog sa Quezon City.
Kinabukasan, Lunes, Setyembre 21, isa pang bangkay ng bata ang natagpuang lumulutang malapit sa Barangay Jesus Dela Peña sa Marikina City.
Rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng barangay, River Parks Office at Rescue 161 at kinumpirma ang ulat.
Nakipag-ugnayan ang Marikina Command Center sa pamilya ng mga bata, na kumumpirma na ang ikalawang natagpuang bangkay ay ang isa pang nawawalang bata.
Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko, lalo na sa mga magulang at guardian, na delikado ang ilog para sa paglangoy at iba pang aktibidad.
Hinimok din ang mga ito na mahigpit na bantayan ang mga bata, lalo na kapag nasa paligid ng mga ilog.
