NCRPO

NCRPO inudyok estudyante na magsalita, humingi ng tulong pag may panganib, bullying

Edd Reyes Sep 22, 2026
103 Views

HINIMOK ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano ang mga kabataan at kanilang magulang na humingi ng tulong kung may maramdamang panganib, pagbabanta, bullying, panggigipit at iba pang problemang maaaring makaapekto sa kanilang kaligtasan at kapakanan.

Ginawa ni BGen. Abrahano ang panawagan kasunod ng insidenteng kinasasangkutan ng mga estudyante sa Tacloban City, Zamboanga City, at South Cotabato, kung saan ipinapakita rito ang kahalagahan ng maagap na pagkilos at mas mahigpit na pagtutulungan ng mga paaralan, pamilya, law enforcement, at iba pang kinauukulang institusyon.

Tiniyak din ng NCRPO OIC sa mga magulang na patuloy silang nakikipagtulungan sa mga paaralan at komunidad upang mapalakas ang seguridad at kaligtasan ng mga mag-aaral sa buong Metro Manila.

Nanawagan din siya sa mga estudyante, magulang, guro, school administrators, barangay officials, at mga pulis na panatilihing bukas ang komunikasyon at agad ireport ang anumang bant ana maglalagay sa kanila sa panganib at buong komunidad sa paaralan.

Sa ngayon aniya ay pinag-aaralan na nila ang mga mekanismo tulad ng pagtatatag ng mga anti-bullying help desk bilang bahagi ng mga hakbang para mapangalagaan ang kapakanan ng mga mag-aaral na kabilang sa direktiba nina Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr.