Council Source: Manila City Council

2 bgy opisyal sinuspinde ng Manila City Council

Edd Reyes Apr 22, 2026
22 Views

PINATAWAN ng anim na buwang suspensiyon ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang dalawang opisyal ng barangay bunga ng kapabayaan sa kanilang tungkulin sa paghawak sa kaso ng menor-de-edad sa kanilang komunidad.

Nagpasiya ang mayorya ng konseho na pinamumunuan ni Vice Mayor Chi Atienza na ipataw ang naturang parusa sa dalawang kabesa ng barangay sa Distrito ng Sampaloc matapos mapatunayang guilty sa kasong grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct unbecoming of public officer.

Batay sa rekord, napatunayan ng konseho na nabigo ang mga opisyal na kaagad ipagkaloob kaagad sa pamilya ng biktima ang kuha ng CCTV na kailangan ng pulisya sa isinasagawang imbestigasyon at paghahain ng kaso laban sa isang barangay tanod.

Inabot ng tatlong araw bago suspendihin ng kabesa ang nagkasalang tanod na dahilan upang makatakas ang suspek.

Sinabi ni Atienza na tinupad lamang nila ang kanilang tungkulin bilang sangay ng lokal na pamahalaan na nagtataglay ng kapangyarihan na kahalintulad ng korte upang parusahan ang mga nagkakasalang barangay officials.

Magsisilbi aniya itong babala sa lahat ng lokal na opisyal na magpapabaya sa kanilang tungkulin dahil hindi nila kukunsintihin ang mga pang-aabuso at kapabayaan, lalu na kung menor-de-edad ang biktima.