Calendar
Mayor Jeannie itinutulak bayanihan sa gitna ng krisis sa enerhiya
Sa ika-25 anibersaryo ng pagiging Lungsod ng Malabon
LUNGSOD NG MALABON, Abril 21, 2026 — Sa pagdiriwang ng ika-25 Anibersaryo ng pagiging lungsod ng Malabon, hinimok ni Mayor Jeannie Sandoval ang mga Malabueño na isabuhay ang diwa ng “bayanihan” para sa kapakanan ng bawat miyembro ng komunidad sa gitna ng patuloy na krisis sa enerhiya na nakaaapekto sa iba’t ibang lungsod sa buong bansa.
Binigyang-diin ng alkalde na bagamat patuloy na nakaaapekto sa pang-araw-araw na buhay ang mga hamon tulad ng pagtaas ng presyo ng krudo at mga suliranin sa kuryente, ang lakas ng Malabon ay nakasalalay sa sama-samang pagkilos at kooperasyon ng mamamayan nito.
“Kasabay ng ating ipinagdiriwang ang ating ika-25 anibersaryo bilang isang lungsod, nais nating ipaalala sa ating mga kababayan ang diwa ng pagkakaisa—ang bayanihan—na bahagi na ng ating kultura bilang mga Malabueño at bilang mga Pilipino: pagtutulungan, pagmamahalan, kababaang-loob, pag-iintindi, at malasakit sa kapwa. Sa gitna ng krisis sa enerhiya, higit nating kailangan ang pagtutulungan. Ang diwa ng bayanihan ang magsisilbing lakas natin upang malampasan ang anumang pagsubok,” ani Mayor Sandoval.
Binigyang-diin din niya na nananatiling maagap ang pamahalaang lungsod sa pagpapatupad ng mga contingency measures upang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mga pangunahing serbisyo, habang hinihikayat din ang mga residente na makibahagi sa pamamagitan ng pagtitipid ng enerhiya at pagtulong sa komunidad.
“Hindi lamang ito responsibilidad ng pamahalaan. Bawat isa sa atin ay may papel na ginagampanan. Sa simpleng pagtitipid ng kuryente at pagtulong sa kapwa, malaki ang maiaambag natin sa ating lungsod,” dagdag niya.
Kaugnay nito, naglunsad ang pamahalaang lungsod ng ilang programa sa ilalim ng Walang Tulugan Serbisyo Caravan bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-25 anibersaryo. Kabilang dito ang pamamahagi ng ikalawang tranche ng Malabon Ahon Blue Card financial assistance na nakinabang ang mahigit 93,000 kabahayan; ang Mega Job Fair na nagbigay ng oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho; at ang isang buwang Malabon Pasalubong Trade Fair na nagtataguyod sa mga produkto ng lokal na micro, small, at medium enterprises upang mapalakas ang lokal na ekonomiya.
Nag-deploy din ang lungsod ng mga mobile services tulad ng Mobile Shower, Mobile Laundry, Mobile Water, at Charging Station; nagsagawa ng first aid at safety training; at namahagi ng tulong pinansyal at pensyon para sa mga senior citizen at persons with disabilities.
Ang mga inisyatibang ito ay nakahanay sa Lucky 9-Point Agenda ng alkalde na nakatuon sa pagpapanatili ng paglago ng ekonomiya at pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng bawat Malabueño.
Matatandaang naging isang highly urbanized city ang Malabon sa pamamagitan ng Republic Act 9019, na inakda ni First Gentleman at Congressman Ricky Sandoval noong siya ay kinatawan pa ng lungsod. Itinaas ng batas na ito ang antas ng Malabon at nagbigay-daan sa mas malaking pondo para sa mahahalagang proyekto tulad ng pagtatayo ng Super Health Centers, mga paaralan, imprastraktura, street lighting, at pagpapabuti ng mga kalsada.
“Ngayong ipinagdiriwang natin ang Charter Day ng Malabon, alalahanin natin ang makulay na kasaysayan ng ating lungsod. Pahalagahan natin ang bunga ng mahabang pakikipaglaban sa Kongreso at ang pagsusulong ng ating karapatan na maiangat ang antas ng ating bayan,” aniya.
Binigyang-diin din ni City Administrator Dr. Alexander Rosete ang kahalagahan ng katatagan at pagkakaisa habang ipinagdiriwang ng Malabon ang mahalagang yugto na ito, at pinaalalahanan ang mga residente na ang pag-unlad ng lungsod sa nakalipas na 25 taon ay bunga ng sama-samang pagsisikap at tiyaga.
“Sa loob ng 25 taon, napatunayan na natin na ang Malabon ay matatag. Sa bawat hamon, sama-sama tayong umaahon. Ito ang tunay na diwa ng pagiging Malabueño,” ani Dr. Rosete.
