Calendar
2 bills isinumite para VAT ibalik sa 10%
NAGSUMITE si Sen. Loren Legarda ng dalawang panukalang batas na magpapagaan sa pagpasan ng value-added tax (VAT) sa mga pangunahing bilihin, gamot at mahahalagang serbisyo pero mananatili ang mas mataas na buwis sa mga luho at iba pang hindi prayoridad na gastusin.
Sa ilalim ng Senate Bill 1851 o Differentiated Value-Added Tax Rates Act, ibabalik sa 10 porsiyento ang VAT sa mga bilihin at serbisyong karaniwang ginagamit ng mahihirap at middle class pro mananatili sa 12 porsiyento ang buwis sa luxury goods, high-value assets, “sin” products, environmentally hazardous items at premium real estates.
Hindi lang basta bawas-buwis ang usapin kundi kung alin sa mga pang araw-araw na pangangailangan ng mga Pilipino ang dapat hindi gaanong binibigatan ng buwis.
Ayon kay Legarda, layon ng mga panukala na magbigay ng agarang ginhawa sa mga mababa ang kita at tulungang mairaos ng mga pamilya ang araw-araw na gastusin.
“The measures will immediately provide relief to those with lower incomes, helping them survive day-to-day and build a better future for their families,” ani Legarda.
“This dual-rate system lowers the cost of living for most Filipinos while ensuring higher-income earners contribute a fairer share through slightly higher taxes on premium, luxury, and environmentally hazardous items,” aniya.
Sa ilalim naman ng Senate Bill No. 1857 o Murang Bilihin at Serbisyong Medikal Act, nais din ni Legarda na alisin ang VAT sa mga pangunahing bilihin at serbisyong direktang may kinalaman sa araw-araw na pamumuhay at pangangalaga sa kalusugan.
Kabilang dito ang mga pangunahing pagkain, mahahalagang gamit sa bahay, pangunahing serbisyong medikal, over-the-counter na gamot para sa karaniwang sakit at mahahalagang first-aid supply.
Saklaw din ng panukala ang basic household electricity hanggang sa itinakdang buwanang threshold at basic internet access para sa personal, pang-edukasyon at mahahalagang pangangailangan sa komunikasyon habang mananatiling may buwis ang non-essential, industrial at premium digital services.
Sinabi pa ni Legarda na layon din ng mga panukala na mapangalagaan ang kakayahang bumili ng mga low at middle-income earners ng hindi isinasakripisyo ang kita ng pamahalaan mula sa non-essential at luxury goods.

