Hazing Source: File photo

Sen. Win paiimbestigahan anti-hazing bill

237 Views

PINAIIMBESTIGAHAN ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pagpapatupad ng Anti-Hazing Act of 2018 matapos ang bagong hazing incident na nagresulta sa kamatayan ng biktima.

Kasunod ito ng pagkamatay ng 19-anyos na maritime student na si Kenneth Alcedo, na nasawi dahil sa mga tinamong sugat sa isang insidente umano ng hazing.

May ilan ng miyembro ng Tau Gamma Phi, ang fraternity na iniuugnay sa pagkamatay ni Alcedo, ang sumuko sa mga awtoridad.

Si Gatchalian, na kabilang sa mga co-author at co-sponsor ng anti-hazing law, ay nagsabing dapat ding busisiin sa inquiry ang nagpapatuloy na mga insidente ng hazing sa mga institusyon ng gobyerno, kabilang ang Philippine National Police Academy at Philippine Military Academy.

“Nakakalungkot isiping nangyayari ang hazing sa loob mismo ng sarili nating mga government institutions na dapat nagsisilbing mabuting halimbawa. Kung ang sarili nating mga institusyon ay lumalabag sa sarili nating batas, malaki ang ating problema,” sabi ni Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian, ang tuloy-tuloy na mga ulat ng hazing sa kabila ng Republic Act No. 11053 ay dahilan para busisiin kung paano ipinapatupad ang batas.