Tsuper nanakot na papatayin helper sa Valenzuela, huli

Edd Reyes Mar 14, 2026
242 Views

ARESTADO ang 43-anyos na tsuper na nanutok ng baril at nanakot na papatayin ang 23-anyos na helper Biyernes ng gabi sa Valenzuela City.

Nakatakbo at nakahingi ng tulong sa mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento ang biktimang si Vincent De Guzman na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na si alyas “Bernie”, residente ng Brgy. Gen. T. De Leon.

Sa ulat ni Col. Talento kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, dakong alas-10:20 ng gabi nang komprontahin ng suspek ang biktima sa Camia St. Bible Ext. Brgy. Karuhatan at pagbintangang nakikialam sa mga aktibidad nila sa kanilang lugar.

Nang itanggi ni De Guzman ang bintang, dito na bumunot ng baril ang suspek at itinutok sa biktima na sa takot ay kumaripas ng takbo hanggang makahingi ng tulong sa pulisya.

Nakumpiska nina PSSg Peter Galicia at Pat Dan Aldrin Baladad ng Valenzuela City Police Station, Sub-station 9 sa suspek ang hindi lisensiyadong kalibre .22 magnum revolver na kargado ng tatlong bala.

Kasong grave threat at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms ang Ammunition Act ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.