Boga

2 Chinese nationals timbog sa boga, patalim

Edd Reyes Nov 29, 2024
8 Views

DALAWA sa tatlong Chinese nationals ang inaresto ng mga pulis ng makuhanan ng baril at patalim sa gasoline station noong Huwebes sa Pasay City.

Nagpapatrulya ang mga tauhan ni Pasay Police chief P/Col. Samuel Pabonita sa Roxas Boulevard, Brgy. 76 dakong alas-9:45 ng gabi nang lapitan sila ng isang lalaking sakay ng kotse at isinumbong ang panunutok ng baril ng isa sa tatlong lalaking Chinese sa gasoline station sa naturang lugar.

Tumangging mag-file ng reklamo ang lalaki at sa halip ibinigay sa mga pulis ang deskripsiyon ng tatlong dayuhan kaya’t ang mga pulis na lamang ang nagpunta sa gasoline station at natiyempuhan ang mga suspek.

Sa beripikasyon nina P/SSg. Aaron Paul Ciariza at Pat. Gerlad Baraceros, nakuha kay alyas Tongyu, 35, ang isang kalibre super .38 Llama pistol at 10 bala sa magazine habang isang de-tiklop na patalim ang nakuha kay alyas Haoxin, 36.

Hindi na isinama ng pulisya ang isa pang kasama ng dalawang dayuhan nang wala namang makuha sa kanyang armas o patalim at wala ring reklamo na inihain laban sa kanya.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition) si alyas Tongyu habang paglabag naman sa BP 6 (Illegal Possession of Bladed Weapon) ang isasampa kay alyas Haoxin sa Pasay City Prosecutor’s Office.