Hot News

2 crime suspek nakipagbarilan sa pulis sa Taguig, tigok

Edd Reyes Oct 22, 2026
75 Views

DEDO ang dalawang suspek na sangkot sa ibat-ibang uri ng krimen nang makipagbarilan sa humahabol na pulis Huwebes ng umaga sa Taguig City.

Nagsasagawa ng police operation ang mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor sa Barangay Western Bicutan dakong alas-10:58 ng umaga nang mamataan nila ang dalawang suspek na magka-angkas sa motorsiklo.

Nang pahintuin ng mga pulis, nagtatakbo ang dalawang suspek papasok sa isang barong-barong at sinimulang paputukan ang mga humahabol na pulis na kaagad gumanti ng putok na ikinasawi kaagad ng dalawa.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, nakilala ang isa na si alyas “Jiboy” na miyembro ng Ocho Sakto Gang na may kasong nabigong pagpatay noong Setyembre 29, 2026 nang pasukin sa bahay ang biktima habang ang isa ay sangkot naman sa serye ng panghoholdap.

Sinabi ni BGen. Pastor na isasailalim sa ballistic examination ang mga baril na nakuha sa mga suspek upang alamin kung saan pang krimen nila ginamit ang armas.