Calendar
‘Mandurukot’ na target mga turista nakuhanan ng balisong, shabu, granada
LAGLAG sa kamay ng pulisya ang 37-anyos na tirador ng mga dayuhang turista nang masakote habang naghahanap ng mabibiktima Miyerkules ng gabi sa Pasay City.
Nagpapatrulya ang mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor sa tourist belt area ng Newport City dakong alas-11:40 ng gabi nang lapitan sila ng isang residente ng Brgy. 183 para isumbong ang namataang suspek na kilalang mandurukot at sumasalisi sa gamit ng mga turista sa lugar.
Nang puntahan ng mga pulis, namataan nila ang suspek na tumutugma sa isinalarawan ng impormante habang palakad-lakad, kasama ang isang babae.
Ang sitahin ng mga pulis, kaagad iniwan ng babae ang kasama na nakilala sa alyas “Brian” at nang kapkapan, nakuha sa kanya ang isang nalaglag na balisong, tatlong transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu, at isang granada.
Dinala ang suspek sa Pasay Police Sub-Station 9 sa Villamor para sa tamang dokumentasyon at pagsasampa ng mga reklamong paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 o concealing bladed weapon, illegal possession of explosives, at Section 11 ng R.A. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakikipag-ugnayan na rin ang mga tauhan ni Pasay City Police Acting Chief P/Col. Robert Baesa sa mga turistang nabiktima ng pandurukot at pananalisi habang namamasyal sa New Port City.

