Sunog

Sunog sa Las Pinas: 1 nasugatan, 7 pamilya naabo bahay

Edd Reyes Oct 22, 2026
63 Views

ISANG babae ang sugatan at pitong pamilya ang nawalan ng bahay sa sunog na sumiklab noong Huwebes sa Las Piñas City.

Isinugod sa pinakamalapit na ospital ang 51-anyos na babae na nagtamo ng paso sa kaliwang braso habang nailigtas naman ng mga kagawad ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga alagang pusa sa isa pang nasusunog na bahay.

Dakong ala-1:00 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy sa Villareal St., Brgy. Manuyo Uno na mabilis na kumalat sa katabing kabahayan na pawang gawa sa light materials.

Napagtulungan ng mga bumbero na maapula ang apoy na idineklarang fire out alas-2:00 ng madaling araw.

Sinisiyasat pa ng mga arson investigators ang dahilan ng pagsiklab ng sunog na umabo sa tinatayang P1.2 milyong halaga ng ari-arian.

Pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng barangay ang 31 indibiduwal na naapektuhan ng sunog.