Calendar

2 holdap suspek nagpababa sa lugar na may pulis huli
MALAS ang dalawang holdaper na nambibiktima ng taxi driver dahil sa lugar mismo sila nag-declare ng holdap kung nasaan ang mga nagro-roving na pulis sa Caloocan City noong Huwebes.
Tinangka pang tumakas ng 29-anyos at 27-anyos na suspek nang mamataan ang mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Edcille Canals na nagpapatrulya sa lugar pero kaagad din silang nakorner ng mga pulis.
Sa report ni Col. Canals kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Josefino Ligan, sumakay ang dalawang holdaper sa taxi ng 47-anyos na biktima sa EDSA alas-8:30 ng umaga upang magpahatid sa kanilang patutunguhan.
Pagdating sa Talilong St., Brgy. 28, nagdeklara ng holdap ang dalawa na armado ng baril at pwersahang kinuha ang cellular phone ng biktima, P4,000 na kita at sling bag na naglalaman ng mahahalagang dokumento bago bumaba ng sasakyan para tumakas.
Dito na sumigaw ang driver nang makita ang nagpapatrulyang mga pulis sa lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Bukod sa nabawing gadget, salapi at gamit ng biktima, nakuha sa mga suspek ang isang pen gun na kargado ng bala ng kalibre .38, isang laruang Glock cal. 9mm pistol at 10.5 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P72,000.