Robbery

2 holdaper natunton sa Find My Phone app

Edd Reyes Jun 25, 2025
16 Views

NATIMBOG sa Taguig City ang dalawang notoryus na holdaper na tumangay ng mga personal na mamahaling gamit ng dalawa nilang biniktima sa loob ng isang restaurant sa Makati City.

Mga security guard ng McKinely Hill Village ang nakasakote kina alyas “Benedict”, 31, at alyas “Christian” 25, matapos silang tugisin ng mga tauhan ni Acting Makati police chief P/Col. Reycon Garduque, ilang oras makaraan nilang holdapin ang babaing freelance artist at kasamang lalaking freelance writer, kapuwa 25, sa loob ng isang restaurant sa JP Rizal St. Brgy. Valenzuela alas-5:10 ng Linggo ng umaga.

Ayon kay P/Capt. Wilfredo Alvarez, hepe ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Makati police, natunton nila ang mga suspek alas-2 ng hapon sa pamamagitan ng “Find My Phone” app ng biktima sa C5 Service Road, Brgy. Palar, Taguig City habang nakatayo sa tabi ng gamit nilang motorsiklo sa panghoholdap.

Nang matunugan ng dalawa ang papalapit na mga pulis, bumunot ang mga ito ng baril bago mabilis na nagtatakbong tumakas at iniwan ang gamit na motorsiklo kung saan nakuha ang bag ng isa sa biktima na may lamang camera at ilang personal na gamit.

Dakong alas-8 na ng gabi nang isuko ng mga guwardiya ng McKinley Hills ang mga suspek sa Taguig Police Sub-Station 3 kung saan nakumpiska sa kanila ang isang kalibre .9mm pistol na may walong bala sa magazine, kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala, cellphone, alahas, at mga personal na gamit ng mga bikitma.

Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) Acting District Director Randy Arceo ang mga security officers ng Bonifacio Global City (BGC) sa ginawa nilang pakikipagtulungan sa mga tauhan ng Makati at Taguig policena nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na sangkot sa serye ng panghoholdap sa southern area ng Kamaynilaan.