QCPD

2 kelot naaktuhang minamartilyo poste ng Meralco sa QC, hinuli

80 Views

ARESTADO ang dalawang lalaki matapos maaktuhang sinisira ang isang konkretong poste ng Manila Electric Company (Meralco) sa Congressional Avenue, Barangay Culiat, Quezon City, nitong Nobyembre 10.

Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Jerome,” 32, at “Ariel,” 30, kapwa residente ng Barangay Culiat.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), namataan ng mga nagpapatrulyang tauhan ng Police Station 14 ang dalawa habang pinupukpok ng martilyo at iba pang kagamitan ang ibabang bahagi ng poste dakong alas-4 ng hapon.

Nang sitahin, hindi umano nakapagpakita ang mga ito ng dokumentong nagpapatunay na awtorisado silang magsagawa ng anumang trabaho sa poste kaya agad silang inaresto.

Nakumpiska sa mga suspek ang martilyo, matulis na bakal, distornilyador, cutter pliers at dalawang PVC pipe na may nakakabit na pako.

Tinatayang aabot sa P117,062.74 ang halaga ng pinsalang idinulot sa poste.

Nabatid din na kapwa may nauna nang kaso ang mga suspek kaugnay ng illegal gambling.

Nahaharap ang dalawa sa kasong malicious mischief sa ilalim ng Article 327 ng Revised Penal Code at sasailalim sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Ayon kay QCPD Acting District Director PBGen. Christopher Olazo, hindi palalampasin ng pulisya ang mga gawaing sumisira sa mga pasilidad na ginagamit ng publiko at pananagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas.