Bulacan

2 kelot nakitang dedo, may tama ng bala sa loob ng kubo

Bernard Galang May 16, 2025
22 Views

NATAGPUANG patay noong Huwebes ang dalawang lalaki na may tama ng mga bala sa katawan sa loob ng isang nipa hut sa San Ildefonso, Bulacan.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Jean Fajardo, kinilala ng Bulacan police Acting director Col. Franklin Estoro ang mga biktima na sina Cedric Ace Cruz, truck driver, ng Bgy. Pinaod, San Ildefonso, Bulacan; at Rustan Pastrana, ng Bgy. Bulusukan, San Ildefonso, Bulacan.

Ipinaalam sa pulisya ng San Ildefonso ang insidente ng pamamaril sa Villacorte Garage sa Bgy. Matimbubong at nadatnan ng mga rumespondeng pulis ang dalawang biktima sa loob ng isang kubo na may mga tama ng bala na naging sanhi ng kanilang agarang kamatayan.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nag-uusap ang mga biktima sa loob ng nipa hut, nang sumulpot ang hindi pa nakikilalang mga suspek at pinagbabaril sila bago tumakas patungong San Rafael, Bulacan.

Nagpapatuloy ang hot pursuit operation para madakip ang mga suspek.