Yosi Nasabat ng Nueva Ecija police ang mga pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng mahigit P1.7 milyon sa Zaragosa sa checkpoint noong Miyerkules.

2 kelot tiklo sa pagbyahe ng P1.7M pekeng yosi

Steve A. Gosuico Dec 12, 2024
52 Views

ZARAGOZA, Nueva Ecija–Nasabat ng mga pulis sa Nueva Ecija ang mga pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng mahigit P1.7 million na sakay ng 12-wheeler closed van at natiklo ang dalawang lalaki na nagbibiyahe ng mga kontrabando sa checkpoint noong Miyerkules.

Naharang sa checkpoint sa Sta. Rosa-Zaragoza road sa Brgy. Carmen dakong alas-5:00 ng umaga ang Mitsubishi wing van (NHA-5179), ayon sa ulat sa Nueva Ecija provincial police office sa Cabanatuan City. ]

Kinilala ni Nueva Ecija police director Col. Ferdinand Germino ang mga nahuling suspek na 40-anyos na driver at ang 26-anyos na pahinante.

May kargang 147 karton na kahon na puno ng Chinese-brands na sigarilyo ang kontrabando na may street value na P1.764 milyon.

Hinuli ang dalawang suspek nang mabigong magpakita ng mga kaukulang dokumento na may kaugnayan sa pag-aari at pagbiyahe ng mga kargamentong sigarilyo.

Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga nasabat na kontrabando, trak at ang dalawang suspek para sa kaukulang disposisyon.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Tobacco Regulation Act of 2003 ang mga naarestong suspek.