Koreana

2 Koreanong pugante dinampot dahil sa iligal na online gambling

Jun I Legaspi Nov 12, 2025
168 Views

SA isang malawakang operasyon, inaresto ng Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang kilalang Koreanong pugante na sangkot sa ilegal na operasyon ng online gambling sa iba’t ibang bahagi ng Asya. Ang pag-aresto ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hulihin at ipadeport ang mga dayuhang pugante na nagtatago sa bansa.

Kinilala ng BI ang unang suspek na si Seo Hyemi, 38, na naaresto sa Ayala Avenue, Lungsod ng Makati noong Nobyembre 6.

Ayon sa mga awtoridad ng Korea, si Seo ay pangunahing utak sa pagpapatakbo ng 23 online gambling platforms, kabilang ang mga website para sa sports betting at casino-style games gaya ng baccarat at Powerball. Siya ay subject ng Interpol Red Notice na inilabas noong Mayo 2025, kasunod ng warrant of arrest mula sa Incheon District Court dahil sa paglabag sa National Sports Promotion Act ng South Korea, kabilang ang pagpapatakbo ng mga hindi lisensyadong gambling websites at paglalaba ng kita.

Batay sa ulat ng FSU, si Seo ang namahala sa recruitment, pamamahala ng player accounts, at promosyon ng mga website na may libu-libong manlalaro. Pumasok siya sa Pilipinas noong Setyembre 2021 bilang temporary visitor ngunit overstaying na. Siya ay nakalista sa BI blacklist at watchlist order.

Samantala, sa ikalawang operasyon kinabukasan, inaresto ng FSU agents, katuwang ang mga awtoridad ng Korea at ang PNP Intelligence Group, si Park Unbae, 48, sa Teodoro Evangelista Street, Lungsod ng Parañaque.

Si Park ay hinahanap ng Busan District Court at Eujeongbu District Court dahil sa pagtatayo ng ilegal na gambling operations at paglabag sa National Sports Promotion Act ng South Korea. Isang Interpol Red Notice ang inilabas laban sa kanya noong Agosto 2025.

Si Park at ang kanyang mga kasamahan ay nagpapatakbo ng website na nagbibigay-daan sa mga gumagamit na tumaya sa iba’t ibang sporting events sa buong mundo, na nag-aalok ng daan-daang laro at nagpoproseso ng mga panalo at bayad.

Dumating si Park sa Pilipinas noong Marso 31, 2023, at overstaying na rin. Siya ay nakalista rin sa BI blacklist at watchlist order.

Ang dalawang pugante ay agad na dinala sa BI Warden Facility sa Bicutan, Lungsod ng Taguig para sa booking, dokumentasyon, at beripikasyon, habang nakabinbin ang deportation proceedings.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang sunod-sunod na pag-aresto bilang malaking tagumpay para sa operasyon ng Bureau laban sa mga pugante.

“Ang mga operasyong ito ay malinaw na mensahe: ang Pilipinas ay hindi ligtas na kanlungan para sa mga dayuhang pugante,” ani Viado. “Sa pamamagitan ng matibay na koordinasyon sa international law enforcement, ipagpapatuloy naming hanapin at arestuhin ang mga nagtatangkang takasan ang hustisya.”