Airwheel

2 lalaki tiklo sa pagbenta ng airwheel luggage robot sa FB

Edd Reyes Oct 29, 2024
30 Views

TIMBOG ang dalawang kelot na umano’y sangkot sa pagnanakaw at pagbebenta ng dalawang airwheel luggage robot sa FB Marketplace noong Martes sa Pasay City.

Nasasakyan ang luggage robot bukod sa lagayan ng damit ng mga nag-aabroad pero maraming airports na hindi pinapayagan ang paggamit nito dahil nakakagasgas ng vinyl at karamihan madaling masira.

Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, naunang inireklamo ng 62-anyos na negosyante ang pagkawala ng dalawang airwheel luggage robot sa kanyang toy store sa isang mall sa Pasay noong Oktubre 27.

Nagulat ang negosyante ng makita niyang naka-post na sa social media at ibinebenta na ang nawawalang item.

Dahil dito’y nagkasa ng entrapment operation ang mga tauhan ni Pasay police chief P/Col. Samuel Pabonita matapos makipagkasundo ang negosyante na magkita sila ng seller sa isang restaurant sa Pasay City noong Martes ng alas-3:00 ng madaling araw para bilhin ang airwheel luggage.

Nang sumipot si alyas Jayson, 33, ride hailing driver, ipinakita niya ang iniaalok na airwheel luggage na nakilala kaagad ng negosyante na iyon ang nawawala sa kanyang toy store.

Bigo ring makapagpakita si Jayson ng resibo nang igiit na binili niya ito o maging ng pruweba na siya nga ang nagmamay-ari nito.

Dito na umamin si Jayson na binili niya lang sa isang alyas Jozel, 32, ang nakaw na airwheel luggage kaya’t kaagad nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakatimbog sa isa pang suspek sa Bacoor, Cavite dakong alas-7:45 ng umaga.

Inihahanda na pulisya ang isasampang kasong paglabag sa Presidential Decree 1612 (Anti-Fencing Law) laban kay Jayson, habang si Jozel naman mahaharap sa kasong paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code o Theft.