Majority Leader Paolo Ortega V

2 lider ng Kamara: PBBM pro-PH

327 Views

Assistant Majority Leader Jay Khonghun DALAWANG lider ng Kamara ang nagpahayag nitong Huwebes na hindi nila tinatanggap ang pagtanggi ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte na siya ay “pro-China,” at sinabing ang kanyang mga naging aksyon ay mas nagsasalita kaysa sa kanyang mga salita.

Pinanindigan din nila ang “pro-Philippines” na patakarang panlabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sina House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union at Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales — mga probinsyang direktang apektado ng agresyon ng China sa West Philippine Sea (WPS) — ang naglabas ng pahayag matapos igiit ni VP Duterte na hindi siya kampi sa anumang dayuhang bansa at sinabi niyang siya ay “hindi pro sa kahit anong bansa.”

“Ayon kami kay Undersecretary Claire Castro: Pro-Philippines ang Pangulo. Maaaring paulit-ulit mang itanggi ng Pangalawang Pangulo, pero ang kanyang mga naging hakbang ang tunay na ebidensya,” sabi ni Ortega.

Tinukoy niya ang paulit-ulit na pagtanggi ni VP Duterte na suportahan ang legal na panalo ng Pilipinas sa West Philippine Sea at ang kanyang pananahimik sa mga panghihimasok ng China bilang “sapat na ebidensya” kung saan talaga siya nakapanig.

“Habang nilalabag ng China ang ating teritoryo, ang tinig ng Pangalawang Pangulo ay kadalasang katahimikan. At kung may pahayag man, ito’y paninisi pa sa liderato. Hindi ito neutralidad; ito ay pag-iwas,” dagdag pa ni Ortega.

“Maaaring tanggihan niya ito nang tanggihan, pero malinaw ang katotohanan. Ang kanyang pananahimik sa mga paglabag ng China at ang mga batikos niya sa patakarang panlabas ng Pangulo ay matagal nang tumutugma sa interes ng Beijing,” aniya pa.

Nagbabala naman si Khonghun na ang pagtanggi ni Duterte na manindigan ay lalong nagpapalakas sa loob ng mga banyagang umaabuso at nagpapalito sa mga Pilipino.

“Sa totoo lang, hindi mo puwedeng sabihing ‘hindi ka pro sa anomang bansa’ habang tina-target ng China ang ating mga mangingisda at kababayan. Ang katahimikan mo ay kasing ingay ng pagkampi,” ani Khonghun.

Dagdag pa niya, ang mga malabo at pabagu-bagong pahayag ng Bise Presidente ay nagpapahina sa posisyon ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado.

“Kapag ang Pangalawang Pangulo mismo ay hindi klaro kung kanino siya kakampi, mahina ang laban natin. Lalo lang nitong pinapahina ang posisyon ng Pilipinas sa harap ng mga banyagang umaabuso,” dagdag niya.

Giit ng dalawang mambabatas, sa panahon ng matinding tensyon sa rehiyon, karapat-dapat lamang na makakita ang publiko ng malinaw at matapang na paninindigan mula sa mga pambansang lider, hindi mga halo-halong pahayag.

“Malinaw ang paninindigan ni Pangulong Marcos. Siya ay pro-Philippines. Inaasahan naming ganoon din ang ibang lider ng bansa, lalo na ang mga nasa mataas na posisyon,” ani Ortega.

“Walang puwang ang pagiging alanganin pagdating sa interes ng bayan,” pagtitiyak ni Khonghun.