Dionisio House Assistant Majority Leader at Manila 1st District Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio Jr.

Mga lider ng Kamara, kinondena salitang ‘bobo’ ni VP Duterte

457 Views
Adiong
House Ad Hoc Committee on Marawi Rehabilitation chairman at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong

DALAWANG lider ng Kamara ang nagpahayag nitong Huwebes ng kanilang pagkadismaya sa paggamit ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte ng salitang “bobo” bilang tugon sa mga katanungan ukol sa kanyang madalas na pagbiyahe sa ibang bansa.

Anila, hindi nararapat sa isang pambansang lider ang ganitong pananalita at nakasisira ito sa dignidad ng isang pampublikong opisina.

“Hindi ito nararapat,” ayon kay House Assistant Majority Leader at Manila 1st District Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio Jr., bilang tugon sa pahayag ni Duterte na ang mga bumabatikos sa kanyang paglalakbay ay mga taong sadyang hindi nakauunawa o kaya’y “bobo.”

“Bawat lider — ganoon din sa mga miyembro ng Kamara — basta lider ka ng bansa, may inaasahang tamang asal na dapat sundin,” ani Dionisio sa isang press conference.

“Naniniwala ako na respeto ang ibinabalik ng respeto. Wala naman tayong mararating kung puro name-calling o pagbibitaw ng hindi magagandang salita sa kapwa,” dagdag niya.

Iginiit ni Dionisio na ang mga opisyal ng gobyerno ay inaasahang maging huwaran, lalo na para sa kabataan.

Bilang halimbawa, binanggit niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na aniya ay nananatiling mahinahon sa kabila ng mga batikos sa kanya.

“Sa dami ng putik na ibinabato sa kanya, ito’y personal kong pananaw, nananatili pa rin siyang may dignidad bilang lider. Huwaran pa rin siya para sa kabataan at sa mga susunod na henerasyon ng ating bansa,” ani Dionisio.

“Ang kailangan natin ay objective na lider. Ang name-calling at masasamang salita, sa tingin ko, ay hindi nararapat,” dagdag pa niya.

Samantala, nagpahayag din ng saloobin si House Ad Hoc Committee on Marawi Rehabilitation chairman at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong hinggil sa asal at prayoridad ng Bise Presidente, lalo na sa harap ng kanyang madalas na biyahe sa ibang bansa.

“May obligasyon siya dito sa bansa. Kaya sa tingin ko, ang tunay na tanong ay kung gaano kadalas ang kanyang paglalakbay. Kasi bilang opisyal, inaasahan ng publiko na naroroon ka kung saan ka dapat magsilbi,” ani Adiong.

Bagamat hindi siya nagulat sa pahayag ni Duterte, iginiit ni Adiong na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat mas mataas ang pamantayan sa kanilang pananalita sa publiko.

“Kaya nga, bilang mga opisyal ng pamahalaan, kailangan nating punahin kung may mga salitang lumalabas—hindi lang mula sa Bise Presidente kundi sa sinuman sa ating hanay,” aniya.

“Dapat panatilihin natin—gaya ng sinabi ni Cong. Ernix—kahit paano’y respeto at diplomasya kapag nakikipag-ugnayan sa kapwa opisyal ng gobyerno,” dagdag niya.

Pinaliwanag ni Adiong na ang mga salita ng Bise Presidente ay hindi lamang sumasalamin sa kanyang pagkatao kundi sa mismong tanggapang kanyang kinakatawan.

“Kapag siya ay nagsasalita, hindi lang siya ang naaapektuhan kundi pati ang reputasyon ng kanyang opisina. At para sa amin, ito ay dapat pangalagaan sa pamamagitan ng mataas na pamantayan,” aniya.

Hinimok ni Adiong ang mga opisyal na pagtuunan ang nilalaman ng isyu at hindi ang personalan.

“Sana ay maiwasan ang ganitong mga sagot at pananalita upang ang talakayan hinggil sa mga pambansang isyu ay nakatuon sa merito ng usapin, at hindi bumaba sa antas ng personal na atake,” pagtatapos niya.