LTO

2 LTO enforcer na nag-viral sa pagsalin ng gasolina suspendido

39 Views

SINUSPINDE ng Land Transportation Office (LTO) ang dalawang enforcer habang iniimbestigahan ang viral na larawan na nagpapakita umano ng pagsasalin ng gasolina sa isang puting Mitsubishi Adventure sa loob ng impounding area ng ahensya.

Iniutos ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II ang agarang preventive suspension ng dalawang tauhan matapos kumalat online ang larawan at magdulot ng mga tanong kaugnay ng pangangalaga sa mga sasakyan at gamit na nasa kustodiya ng LTO.

Ayon kay Mendoza, hindi kukunsintihin ng ahensya ang anumang kilos na maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa operasyon ng LTO, lalo na sa mga sasakyang naka-impound at nasa pangangalaga ng pamahalaan.

Inatasan niya ang kinauukulang tanggapan ng LTO na magsagawa ng pormal na imbestigasyon at hingan ng paliwanag ang dalawang enforcer.

Gayunman, ang suspensiyon ay isang administratibong hakbang habang isinasagawa ang imbestigasyon at hindi pa nangangahulugan ng pinal na hatol sa pananagutan ng mga sangkot.

Aalamin ng LTO ang mga pangyayari sa likod ng insidente, kabilang kung sino ang nag-awtorisa sa aktibidad, bakit may pagsasalin ng gasolina, at kung may nalabag na patakaran o proseso ng ahensya.

Sinabi ni Mendoza na kailangang kumilos agad ang LTO sa mga reklamo o viral post na nagdudulot ng tanong sa asal ng mga tauhan nito.

Pinaalalahanan din niya ang mga empleyado at enforcer ng LTO na mahigpit na sundin ang mga patakaran sa pangangalaga at paghawak ng mga sasakyan at gamit na nasa kustodiya ng ahensya.

Naganap ang insidente habang patuloy na nananawagan ang publiko ng mas mahigpit na pananagutan sa traffic enforcement, vehicle impounding at frontline services ng LTO.