Calendar
Garin: Alegasyon tungkol Cha-cha, term extension ‘purong tsismis’
PINABULAANAN ni Deputy Speaker Janette Garin ng Iloilo noong Biyernes ang mga alegasyon tungkol sa Charter change at pagpapalawig ng termino, at tinawag itong “purong tsismis.”
Nanawagan si Garin sa mga pampublikong opisyal na maging responsable sa kanilang mga pahayag matapos niyang itanggi ang mga paratang na plano umano ng administrasyon na baguhin ang Konstitusyon at palawigin ang termino ng mga opisyal kapag hindi nakakuha ng sapat na boto sa Senado ang impeachment case laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
“Ito ay purong tsismis. Walang katotohanan ang mga paratang na ito. Dapat maging responsable ang mga opisyal sa kanilang mga sinasabi dahil ang ganitong mga usap-usapan ay nakalilito at nakapagliligaw lamang sa publiko,” ayon kay Garin.
Naglabas ng pahayag si Garin matapos banggitin ni Senadora Imee Marcos sa isang panayam sa radyo ang posibilidad na amyendahan ang Konstitusyon kung mabibigo ang impeachment proceedings na makakuha ng sapat na boto sa Senado.
Binanggit din ng senador ang umano’y panukalang dagdagan ng tatlong taon ang termino ng mga kasalukuyang kongresista at ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ngunit iginiit ni Garin na ang mga alegasyong ito ay mapanlinlang at may bahid ng pulitika.
“Malinaw na paraan ito upang ilihis ang isyu at ituro ang administrasyon. Nililito nito ang isip ng mga tao upang magmukhang may nakatagong agenda dahil alam nilang mariing tinututulan ng publiko ang anumang senaryong walang eleksyon,” ani niya.
Binigyang-diin ni Garin na walang ganitong panukala na pinag-uusapan sa Kamara de Representantes at nagbabala laban sa paggamit ng mga tsismis upang impluwensyahan ang opinyon ng publiko.
“Nasa Konstitusyon na ang proseso ng impeachment. Hindi natin dapat lasunin ang pampublikong diskurso gamit ang mga kathang-isip na senaryo at conspiracy theories na naglalayong magdulot ng takot at pagkakahati-hati,” dagdag ni Garin.
Ipinaalala rin ng lider ng Kamara na tungkulin ng mga pampublikong opisyal na mapanatili ang katatagan at tiwala ng publiko, lalo na sa mga sensitibong usaping pampulitika.
“Sa panahong mataas na ang emosyon ng lahat, mas dapat maging maingat at responsable ang mga lider sa kanilang mga pananalita. Karapat-dapat ang sambayanang Pilipino sa katotohanan at katapatan, hindi sa mga kuwentong nagpapalaganap ng takot upang magpasiklab ng tensyon,” aniya.
Kamakailan lamang ay isinumite ng Kamara de Representantes sa Senado ang Articles of Impeachment laban kay Duterte, na nagbunsod ng paghahanda para sa paglilitis na ngayon ay sentro ng pambansang talakayang pampulitika.
Ayon kay Garin, dapat iwasan ng mga lider-pulitika ang lalo pang pagkalito sa publiko sa pamamagitan ng mga walang basehang alegasyon at hayaang manaig ang mga prosesong naaayon sa Konstitusyon.
“Ang pampublikong diskurso ay dapat nakabatay sa katotohanan, pananagutan, at responsibilidad — hindi sa mga haka-hakang naglalayong iligaw ang publiko o makakuha ng puntos sa pulitika,” pagtatapos ni Garin.

