Calendar
2 mambabatas binatikos si Dr. Leachon
MULING binatikos ng mga lider sa Kamara de Representantes ang pamumulitika at ni Dr. Tony Leachon at hindi pinalampas ang muling pang-eepal ng dating adviser ng COVID-19 task force dahil sa mga reklamong plunder at malversation na inihain kay Executive Secretary Ralph Recto at iba pang opisyal ng pamahalaan.
Inakusahan ng mga mambabatas si Leachon ng pamumulitika sa isyu ng badyet at pagliligaw sa publiko kung paano gumagana ang reserve funds ng pamahalaan.
Ang inihaing reklamo ni Leachon ay nag-ugat sa paglilipat umano ng humigit-kumulang P60 bilyon na hindi nagamit na reserve funds ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at P107 bilyon mula sa Philippine Deposit Insurance Corp. (PDIC) patungo sa pambansang kaban sa ilalim ng isang espesyal na probisyon ng 2024 General Appropriations Act.
Sinabi ni House Deputy Speaker at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na inaatake ni Leachon ang mga opisyal sa pagpapatupad ng isang mekanismo na mismong Kongreso ang nag-apruba.
“Delikado ang kaunting kaalaman kapag ginagamit para magkunwaring eksperto sa budget process. Ipinatupad lamang ni Secretary Ralph Recto kung ano ang malinaw na pinahihintulutan sa ilalim ng General Appropriations Act,” wika ni Garin.
Iminungkahi rin ng House Deputy Speaker na maaaring may mga puwersang nag-udyok kay Leachon na paulit-ulit na atakihin si Recto.
Ayon naman kay Assistant Majority Leader at Lanao ng del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tila mas interesado si Leachon sa paglikha ng kontrobersya kaysa sa pagtalakay sa mga totoong isyu ng pananagutan.
“Parang pilit na pilit niyang ilihis ang usapan mula sa mga totoong issue ng pananagutan,” sabi ni Adiong.

