Rider Source:FB

2 motorsiklo nagsalpukan, delivery rider dedo

223 Views

PATAY ang isang delivery rider matapos makasalpukan ang isa pang nakamotorsiklo habang kumakaliwa sa Anonas St., sa Quezon City nitong Martes ng madaling araw.

Agad namang naaresto ang suspek na nakilalang si alias Christian, 28, residente ng Balintawak, Quezon City.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3, ala-1:35 ng madaling araw nitong Martes (December 2), nang maganap ang aksidente sa kanto ng Aurora Blvd at Anonas St., Brgy. Quirino 3A, sa lungsod..

Batay sa imbestigasyon, binabaybay ng suspek na sakay ng asul na Honda Click motorcycle na walang plaka ang Aurora Boulevard mula sa direksyon ng Marikina patungong EDSA.

Pagsapit sa lugar ng insidente, bumangga ang harap na bahagi ng nasabing motorsiklo sa kanang bahagi ng Honda Click (749NP) na motorsiklo ng biktima habang lumiliko pakaliwa patungong Anonas St. mula sa kabilang direksyon sa kahabaan ng Aurora Boulevard.

Dahil sa impak, nagtamo ng sugat ang dalawang rider at agad na dinala sa World City Medical Center subalit idineklarang dead on arrival ang biktima ni Dr. Rivke Avila, sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa ulo at katawan.

Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in damage to property and homicide laban sa rider.