Calendar
2 panukalang batas ukol sa benepisyo ng mga guro inihain
ISINUSULONG ni Sen. Joel Villanueva ang dalawang panukalang batas na magtatakda sa mga allowance ng teaching at non-teaching personnel sa pampublikong paaralan.
Inihain niya ang Senate Bill Nos. 1605 at 1606 upang mapanatili ang halaga ng mga benepisyong tinatanggap ng mga guro at iba pang kawani ng paaralan.
Layunin ng mga panukala na suportahan hindi lamang ang sistema ng edukasyon kundi pati ang mga taong nagpapatakbo nito.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1606, makatatanggap ang mga teaching at non-teaching personnel sa public basic education system, kabilang ang Alternative Learning System, ng quarterly benefit na P5,000 o P20,000 kada taon.
Ang Senate Bill No. 1605 naman ay nagbibigay ng kaparehong pinagsamang quarterly benefit para sa mga teaching personnel sa state universities at colleges at state-run technical-vocational institutions.
Sinabi ni Villanueva na ia-adjust ang mga benepisyo kada tatlong taon upang makasabay sa inflation at hindi mawalan ng halaga sa pagdaan ng panahon. Nakasaad din sa mga panukala na ang dagdag na allowance ay hindi bubuwisan maliban kung lumampas ito sa threshold na itinatakda ng National Internal Revenue Code.
“These allowances are not just financial assistance but are part of a broader effort to affirm the State’s constitutional mandate to prioritize education,” ayon kay Villanueva.
Idinagdag pa niya na habang maraming hakbang sa edukasyon ang nakatuon sa mga mag-aaral, layunin din ng mga panukalang ito na suportahan ang mga educator at school personnel.
