Calendar
Photo courtesy of NCRPO
2 patay sa pamamaril sa condo complex sa Paranaque


DEDO ang dalawa sa anim na biktima ng pamamaril sa basketball court ng isang pribadong condominium complex Miyerkules ng gabi sa Paranaque City.
Patay na nang idating sa Ospital ng Paranaque si alyas Edwin, 57, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo habang nasawi rin si alyas Rjay, tatlong oras, makaraan siyang isailalim sa gamutan..
Nasa ligtas namang kalagayan sina alyas Mark, 26, at alyas Carlos, na dinala rin sa naturang pagamutan, gayundin sina alyas Regie, 30, at alyas John, 42, na isinugod naman sa Paranaque Doctors Hospital.
Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, naglalaro ng basketball ang mga biktima at apat na testigo sa basketball court na nasa loob ng Azure Residence sa West Service Road, Brgy. Marcelo Green nang pagbabarilin ng suspek na si alyas “William”, 59, na residente ng Miami Azure Resort.
Una umanong nakarinig ng malakas na ingay ang mga naglalaro dakong alas-7:59 ng gabi hanggang pumasok bigla sa main gate ng basketball court ang suspek at sa hindi mabatid na dahilan ay pinagbabaril ang mga naglalaro na kanya-kanyang nagpulasan ng takbo.
Batay naman sa pagrebisa nina Parañaque police chief P/Col. Nicolas Piñon at mga tauhan sa kuha ng CCTV ng condominium, galing sa kanyang tinutuluyang unit ang suspek nang bumaba patungo sa basketball court at doon na namaril. Tumakas ang suspek palabas sa main gate ng basketball court makaraan ang pamamaril patungo sa gawi ng Bicutan.
Nakuha ng mga imbestigador sa lugar na pinangyarihan ng pamamaril ang siyam na basyo ng bala, dalawang depormadong naiputok ng tingga, at tatlong metallic fragments na pawang galing sa kalibre .9mm pistol.
Sanabi ni Col. Piñon na may dalawang baril na naka-rehistro sa pangalan ng suspek kaya’t susuriin nila kung tugma rito ang mga nakuha nilang mga ebidensiya sa crime scene.
Nakarating na rin ang ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/MGen. Anthony Aberin na nag-utos ng malawakang pagtugis sa suspek.

