Vlogger

Vlogger na may warrant of arrest sumuko sa QCPD

181 Views

BOLUNTARYONG sumuko sa Quezon City Police District ang isang 54-anyos na vlogger na nahaharap sa kasong inciting to sedition matapos mag-issue ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court Branch 100.

Batay sa ulat, ang nasabing vlogger ay may nakabinbing kaso sa ilalim ng Article 142 ng Revised Penal Code. Nag-ugat ang kaso matapos umanong magbitaw ng mga pahayag na itinuturing na seditious laban sa pamahalaan ang suspek habang nasa isang protest rally sa kahabaan ng EDSA.

Bandang 11:30 ng umaga nitong Huwebes nang kusang magtungo si Jeffrey sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa Camp Karingal, Quezon City kung saan siya sumuko sa mga pulis.

Matapos ang tamang proseso, nakapagpiyansa ang suspek at pansamantalang nakalaya alinsunod sa umiiral na batas.

Ayon kay QCPD Director PBGEN Randy Glenn Silvio, patunay ito ng patuloy na pagpapatupad ng pulisya ng batas habang tinitiyak ang karapatan ng bawat indibidwal.

“Patunay ito ng aming dedikasyon sa pagpapatupad ng batas at pagtiyak ng due process, alinsunod sa Enhanced Management Police Operations agenda ng PNP,” ani Silvio.