Arestado

2 pumatay sa babaeng ex-parak huli

Edd Reyes Apr 6, 2026
271 Views

DALAWA sa apat na suspek na sangkot sa pagpaslang sa isang dating policewoman ang nadakip ng mga pulis sa follow-up operation noong Sabado sa Valenzuela City.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang mga nadakip na sina alyas JR Tae at alyas Elmer at tinutugis pa ang dalawa pa nilang kasabwat sa pagpaslang kay alyas Joan, 38, na dating pulis.

Unang nadakip ng mga tauhan nina P/Capt. Robin Santos at P/Lt. Sherwin Dascil si alyas JR Tae sa Pinagpala Ext. bago mangyari ang pagpatay.

Itinanggi ni JR Tae na kilala niya ang dalawang suspek hanggang madakip din ang 25-anyos na si Bogart na nagsilbing testigo matapos niyang ikanta na inutusan lang sila ni Elmer na sunduin ang dalawang suspek sabay abot sa kanya ng P400 para pambayad sa grab service.

Pagdating ng dalawang suspek, nagtungo sila sa isang abandonadong bahay sa Area 3, Dumpsite upang mag-pot session hanggang marinig niya ang planong pagpaslang sa biktima.

Dakong alas-12:10 ng Sabado ng madaling araw nang pasukin ng dalawang suspek ang bahay ng biktima sa Matiyaga St., Sitio Pinalagad, Brgy. Malinta sa utos ni Elmer si JR Tae na ihatid sa lugar ang dalawa at doon pinagbabaril ang dating policewoman.

Alas-2:50 ng hapon araw ng Sabado nang maaresto si Elmer sa kanyang tirahan sa Pinalagad, Malinta kung saan nakumpiska sa kanya ang isang hindi lisensiyadong cal .38 revolver, dalawang bala at 55.28 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P375,904.

Kasong murder ang isasampa ng pulisya laban kina alyas JR Tae at alyas Elmer, pati na sa dalawang salarin na hindi pa nadarakip ng pulisya.