Calendar
Atty. Via Valdepeñas
2 SAKSI NG PROSECUTION, DI NAKAKITA NG PERANG INIABOT KAY ROMUALDEZ, PURO HEARSAY ANG TESTIMONYA — DEPENSA
INAMIN ng dalawang saksi ng prosecution sa Sandiganbayan Third Division na hindi nila personal na nakita ang anumang paghahatid ng pera kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at wala silang direktang kaalaman na ang mga maletang sinasabing dinala ng mga bodyguard ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ay naglalaman ng pera.
Sa pagdinig sa petisyon ni Romualdez para sa piyansa, iginiit ng abogado ng depensa na si Atty. Via Valdepeñas na ang mga testimonya nina Police Major Alvin Nuguid at Police Chief Master Sergeant (PCMS) Larry Zymon Bellen, kapwa miyembro ng security detail ni Co, ay pawang nakabatay sa hearsay at hindi nakapagpatunay ng anumang direktang ugnayan kay Romualdez sa sinasabing paghahatid ng pera.
Si Nuguid, isang aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP), ay nagpatotoo na nagsilbi siyang assistant security officer ni Co mula Marso 2024 hanggang Hulyo 2025, habang si Bellen, isang non-commissioned officer ng PNP, ay nagsabing itinalaga siya bilang close-in security officer ni Co noong 2018.
Sa kabila ng kanilang mga tungkulin, kapwa inamin ng dalawang saksi na hindi nila personal na nakita na may perang inihatid kay Romualdez.
Nagpatotoo si Nuguid na sinamahan niya si Co sa ilang lugar, kabilang ang isang townhouse sa Manila Polo Club, McKinley Road sa Forbes Park, 30 Tamarind at Aguado Street.
Sa pagtatanong ni Valdepeñas at ng mga miyembro ng anti-graft court, inamin ni Nuguid na hindi niya personal na sinamahan ang alinman sa mga sinasabing paghahatid ng pera at hindi rin niya nakita na may perang dinadala sa mga naturang lugar.
Bagama’t nakakita siya ng mga maleta, inamin niyang hindi niya nakita ang sinasabing laman ng mga ito na pera at hindi niya alam kung saan binili ang mga maleta o kung saan talaga dadalhin ang mga ito.
Kinumpirma ni Nuguid na hindi siya kailanman nakakita ng mga maleta sa loob ng VIP vehicle ni Co maliban kapag bumibiyahe si Co.
Nagpatotoo rin siya na walang anumang talakayan tungkol sa sinasabing paghahatid ng mga maleta sa mga Viber group na ginagamit ng security personnel ni Co.
Ayon kay Nuguid, ang Team ESC group ay tumatalakay lamang sa mga usaping pangseguridad at marketing, habang ang ESC Schedule group ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa mga galaw at aktibidad ni Co.
Ayon kay Nuguid, ang 15 tauhan ng PNP na nakatalaga kay Co ay mga usaping pangseguridad lamang ang inaasikaso.
Samantala, hindi rin nakapagbigay si Bellen ng anumang personal na salaysay tungkol sa paghahatid ng pera kay Romualdez.
Inamin ni Bellen na wala siyang personal na kaalaman kung naglalaman ng pera ang mga maleta at sinabi niyang ang impormasyon niya tungkol sa sinasabing laman ng mga ito ay mula lamang sa mga sinabi sa kanya ng ibang tao.
Sa cross-examination, inamin ni Bellen na ang kanyang pahayag na nais umano ni Romualdez na tumakbo si Co bilang kinatawan ng Ako Bicol ay nakabatay lamang sa isang pag-uusap na narinig niya sa pagitan ni Co at ng asawa nito.
Inamin niya na hindi niya personal na narinig si Romualdez na gumawa ng ganoong kahilingan.
Kinumpirma rin ni Bellen na hindi siya kailanman nakarinig ng anumang pag-uusap sa pagitan nina Romualdez at Co.
Bagama’t nakatanggap si Co ng mga tawag sa telepono, sinabi ni Bellen na hindi niya alam kung sino ang mga tumatawag.
Inamin din niya na mula nang magsimula siyang magtrabaho para kay Co noong 2018, wala siyang nalalamang anumang tawag mula kay Romualdez.
Inamin ni Bellen na hindi niya matandaan kung kailan niya nakita ang mga maletang ipinapasok sa Horizon.
Ayon sa kanya, isa o dalawang beses lamang kada buwan siyang nakakakita ng mga maleta ngunit hindi niya matantiya ang laki ng mga ito.
Nagpatotoo si Bellen na nasa 10 hanggang 12 maleta lamang ang nakita niya noong nagsisilbi pa si Co bilang kongresista.
Kinumpirma rin niya na naging saksi siya ng prosecution matapos makatanggap ng subpoena mula sa Office of the Ombudsman.
Hindi na malawakan pang nag-cross-examine si Valdepeñas kay Bellen, dahil malaking bahagi ng kanyang testimonya ay batay sa impormasyong nakuha niya mula sa ibang tao sa halip na sa kanyang sariling mga obserbasyon.
Para sa depensa, binigyang-diin ng mga pag-amin ng dalawang saksi ang kawalan ng personal at direktang testimonya na nagpapatunay na naglalaman ng pera ang mga maleta o na may perang inihatid kay Romualdez.
Iginiit ni Valdepeñas na ang mga testimonya ay essentially hearsay, dahil wala sa dalawang saksi ang personal na nakakita ng sinasabing paghahatid ng pera kay dating Speaker Romualdez o may direktang kaalaman tungkol sa kanyang pagkakasangkot sa mga sinasabing transaksiyon.
