Tulfo Nagsagawa ng pagdinig sa Senado si Sen. Erwin Tulfo, chairman ng Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, sa pag-i-implementa na batas para protektahan ang karapatan at palakasin ang polisya para sa mga taong may kapansanan o PWD nitong Oktubre 19, 2026. JOSEPH MUEGO

Tulfo: Nambubully sa PWD, seniors, IP dapat hinuhuli

31 Views

BALAK maghain ni Sen. Erwin Tulfo ng panukalang batas na magpapakulong sa sinumang mambu-bully o manlalait sa mga persons with disabilities (PWD), senior citizen at katutubo o Indigenous Peoples (IP).

Ayon kay Tulfo, mananagot sa kasong kriminal ang mga mangungutya sa mga grupong ito. Kinondena rin niya ang mga insidente ng diskriminasyon kamakailan laban sa mga PWD.

Inihayag ito ng senador nitong Lunes sa joint public hearing ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development at Committee on Finance.

“We will keep two words in mind: bayanihan (community solidarity) and karapatan (rights). Although these measures have different objectives, they are bound by a single principle, promoting a just, humane, and caring society where the dignity and capability of everyone are recognized,” ani Tulfo.

Hinimok din niya ang mga ahensiya ng gobyerno na tiyaking maipatutupad ang panghabambuhay na bisa o lifetime validity ng PWD identification card.

Tatlong panukala sa Senado ang nagsusulong nito: ang Senate Bill (SB) No. 1405 ni Tulfo, SB 1958 ni Sen. Robinhood Padilla at SB 2134 ni Sen. Mark Villar. Aamyendahan ng mga ito ang Republic Act 7277 o Magna Carta for Persons with Disability.

Hiniling din ni Tulfo na masusing pag-aralan ang anim na nakabinbing panukala para sa pagtatatag ng National Disability Support Fund.

Tinalakay rin ng komite ang House Bill No. 4706 na mag-aamyenda sa Republic Act 9418 o Volunteer Act of 2007. Itatakda nito ang Disyembre bilang National Volunteer Month at ang Disyembre 5 bilang National Volunteer Day.