Today SOURCE: Larawan mula sa Supreme Court PH/FB

Electronic dokumento pede nang ipa-e-notaryo

25 Views

MAAARI nang magpa-notaryo ng mga electronic document online simula ngayong Oktubre 19, 2026, kasunod ng opisyal na paglulunsad ng eNotarization system ng Supreme Court (SC).

Sa ilalim ng sistemang ito, mas mapapadali ang pagpapa-notaryo dahil maaari nang isagawa ang proseso sa pamamagitan ng mga online platform, nang hindi na kailangang dumaan sa karaniwang personal na transaksiyon para sa serbisyong ito.

Ayon sa Supreme Court, maaaring magparehistro ang mga nais gumamit ng serbisyo sa unang batch ng mga SC-accredited Electronic Notarization Facilities (ENFs), kabilang ang Twala, QLegal at NotarizeIT.

Maaaring ma-access ang mga registration portal ng mga nasabing pasilidad sa opisyal na website ng Korte Suprema sa https://sc.judiciary.gov.ph/enotarization/registration-portal/.

Kapag nakapagparehistro na, maaari nang pumili ang mga user ng Electronic Notary Public (ENP) mula sa listahan ng mga notaryong may komisyon na inilathala rin ng SC. Makikita ang listahan sa https://sc.judiciary.gov.ph/enotarization/commissioned-enps/.

Naglaan din ang Korte Suprema ng mga instructional video na gagabay sa publiko sa paggamit ng mga ENF. Maaaring mapanood ang mga ito sa opisyal na website ng SC.