OFW

OFW na pumanaw sa Germany nasa ‘Pinas na

Jun I Legaspi Oct 19, 2026
30 Views

DUMATING na sa bansa noong Oktubre 18 ang labi ng overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa aksidente sa Germany.

Dumating ang labi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City at sinalubong ng pamilya at mga kinatawan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sa pangunguna nina DMW Assistant Secretary Maria Regina Angela Galias at OWWA Deputy Administrators Rosalia Susana Bahia-Catapang at Ryan Vincent Uy.

“Sa ngalan po ng aming Kalihim Hans Leo Cacdac, ipinapaabot po ng DMW ang aming pakikiramay sa inyong pamilya,” ani Assistant Secretary Galias.

Bago naiuwi ang mga labi, tinulungan ng Migrant Workers Office (MWO), katuwang ang Philippine Consulate sa Milan, ang ama at kapatid ng nasawing OFW upang makapunta sa Germany at makasama ang kanilang mahal sa buhay.

Bilang bahagi ng tulong ng pamahalaan, magbibigay ang DMW ng karagdagang tulong pinansyal sa pamilya sa pamamagitan ng AKSYON Fund, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking maalalayan ang pamilya ng nasawing OFW sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.

Tutulong din ang OWWA sa pag-asikaso ng mga pangangailangan ng pamilya hanggang sa mailibing ang nasawing OFW.