Cayetano

Cayetano: Math kasinghalaga ng sports, sining

31 Views

KASINGHALAGA ng math sa edukasyon ang sports, sining at kultura, ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano kaya nais niyang isama sa Cabinet cluster para sa edukasyon at workforce development ang mga ahensiyang humahawak sa mga ito.

Idiniin niya ito kay Education Secretary Sonny Angara sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 budget ng Department of Education (DepEd).

“Let me lobby that sports and culture and art be included because it’s really as much a part of our education as anything else, as math and everything,” ani Cayetano.

Ayon sa senador, may naituturo ang sports at sining na hindi kayang ibigay ng akademya lamang, mula sa paglutas ng problema hanggang sa pagiging malikhain.

Binuo noong Agosto 2025 ang Education and Workforce Development Group para pag-ugnayin ang mga programa ng pamahalaan sa edukasyon at trabaho.

Kabilang sa walong kasapi nito ang DepEd, Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Labor and Employment at Department of Migrant Workers.

Gusto ni Cayetano na tulungan ng cluster ang mga Pilipinong artist na makapasok sa pandaigdigang merkado, sa pagtutulungan ng DepEd, National Museum at Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon sa kanya, nahihirapan ang mga artist na makakuha ng permit para madala sa ibang bansa ang kanilang mga likha para sa eksibisyon at maibalik ang mga ito sa Pilipinas.

“Ang dami nating aspiring artists, breakthrough lang… and then, really, someone to champion it,” aniya.

Sinabi ni Cayetano, dating kalihim ng DFA, na maaaring dehado ang bansa sa manufacturing at iba pang industriya, pero kayang magtagumpay ng mga Pilipinong artist sa ibang bansa dahil sa kanilang talento.

“The beauty about art is you don’t need to manufacture anything here. You don’t need to import anything from there. It’s the talent of the artist,” dagdag niya.

Sumang-ayon si Angara at sinabing bibigyang-pansin ng DepEd ang mga mungkahi.