Sudanese

2 Sudanese walang dokumento, tiklo

Jun I Legaspi Jul 25, 2025
257 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na panatilihin ang paghahari ng batas, inaresto ng mga tauhan ng Intelligence Division ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Sudanese na lumabag sa mga batas ng imigrasyon ng Pilipinas noong Hulyo 22 sa San Carlos City, Pangasinan.

Kinilala ang mga dayuhan na sina Moneeb Ahmed Mohamed Yousif, 32, at Zaki Azhari Elzubair Basheer, 41.

Kapwa nabigong magpakita ng valid na pasaporte o travel documents ang dalawa kaya itinuturing silang undocumented foreign nationals.

Sinimulan ng mga operatiba ng BI ang operasyon matapos matukoy ang patuloy na pananatili ni Moneeb sa bansa kahit hindi niya na-update ang kanyang visa.

Siya’y naaresto dahil sa overstaying, habang si Zaki naman nasangkot sa pagtatago ng isang illegal alien na paglabag sa Philippine Immigration Act.

Sa panahon ng pag-aresto, nanlaban si Basheer at nagbitiw ng masasamang salita sa mga operatiba.

Habang nasa San Carlos City Police Station, humiling siyang gumamit ng banyo ngunit sinubukan niyang tumakas sa likod ng gusali. Kaagad naman siyang hinabol at muling naaresto ng mga tauhan ng BI.

Kasalukuyan nang nakakulong ang dalawa sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig, kung saan sila sasailalim sa inquest proceedings at mahaharap sa deportation charges.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mabilis na aksyon ng BI Intelligence Division at binigyang-diin ang kahalagahan ng masigasig na pagpapatupad ng batas sa buong bansa.

“Ito ay malinaw na mensahe na walang sinuman ang nasa itaas ng batas,” sabi ni Viado.