Shabu

2 suspek na tulak nasakote sa P1.4M shabu

Edd Reyes May 4, 2026
20 Views

MAHIGIT P1.4 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa dalawang pinaniniwalaang tulak ng iligal na droga noong Linggo sa Caloocan City.

Nadakip ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) director P/BGen. Christopher Dela Cruz sina alyas Eric, 37; at Amado, 54, matapos makipag-transaksiyon sa pulis na nagpanggap na buyer sa Gen. P. Alvarez St., Brgy. 66, pasado ala-1:00 ng hapon.

Sumalakay ang grupong pinamunuan ni P/Lt Restie Mables ng makita ang senyas na tinanggap na ng mga suspek ang P10,500 markadong salapi kapalit ng ibinentang shabu.

Nasa 206.74 na gramo ng shabu ang nakumpiska ng mga pulis sa dalawa na nagkakahalaga ng P1,405,832.

Sasampahan sila ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) sa piskalya ng Caloocan City.