Calendar
2 suspek sa rape sa Malabon, nakorner sa Bulacan matapos 3 taon
TIMBOG ang dalawang akusado sa panghahalay sa menor-de-edad na batang babae mahigit tatlong taon na ang nakalilipas sa Malabon City nang matunton sa pinagtaguang lugar Miyerkules ng madaling araw sa lalawigan ng Bulacan
Kinilala ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Jerry Protacio ang mga nadakip na sina alyas “Welia”, 63, at alyas “Chen-Chen” 37, na kapuwa residente ng Brgy. Santulan, Malabon City at parehong nahaharap sa kasong panghahalay.
Ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng District Special Operations Unit (DSOU) ng NPD at Regional Intelligence Unit ng National Capital Region (RIU-NCR) ang operasyon dakong alas-2:20 ng madaling araw sa Masagana Village, Pulong Yantok, Angat, Bulacan makaraang matanggap nila ang impormasyong dito nagtatago ang dalawa na kabilang sa Most Wanted Persons ng Malabon City.
Ang dalawa ay kapuwa may nakabimbing warrant of arrest na inilabas ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Abigail Santos-Domingo ng Family Court Branch 4 na may petsang Setyembre 2, 2022.
Si alyas Welia ay nahaharap sa tatlong bilang na kasong Rape by Sexual Assault na may inilaang kabuuang piyansang P600,000 para sa tatlong bilang habang apat na bilang naman ng Statutory Rape ang kinakaharap ni Chen-Chen na walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya.
