Bulacan

2 taga-Bulacan dumayo sa Valenzuela para sa shabu session, kulong

Edd Reyes Oct 16, 2026
47 Views

TIMBOG ang dalawang drug user na taga-Bulacan nang mahuli sa aktong bumatak ng shabu sa loob ng pinuntahan nilang bahay Huwebes ng hapon sa Valenzuela City.

Pinuntahan kaagad ng mga tauhan ni P/Lt. Sherwin Dascil, Acting chief ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police ang bahay sa 25 Pili St. Brgy. Balangkas na itinawag ng concerned citizen na pinangyayarihan ng shabu session dakong alas-5:45 ng hapon.

Nang silipin ng mga pulis ang loob ng bahay, kita nila ang dalawa na nakilala sa alyas “Jhamir”, 39, at panaderong si alyas “Wilson”, 37, kapuwa residente ng Obando, Bulacan, sa aktong sumisinghot ng shabu.

Nasamsam sa dalawa ang 1.50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P10,200 at mga drug paraphernalia sa paggamit ng ilegal na droga.

Mahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Possession of Dangerous Drugs, Possession of Drug Paraphernalia at Use of Dangerous Drugs sa ilalim ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerour Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.