QCPD

QCPD sinusuri pagnenok ng P3K manok sa Nepa-Q-Mart

83 Views

INIIMBESTIGAHAN ng Quezon City Police District (QCPD) ang umano’y pagnanakaw ng mga dressed chicken na nagkakahalaga ng P3,000 mula sa isang puwesto sa Nepa Q-Mart, Barangay E. Rodriguez, Cubao, Quezon City, habang tinutukoy na rin ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na nahagip sa CCTV.

Naganap ang insidente dakong alas-4 ng madaling araw noong Oktubre 13, ayon sa QCPD.

Sinimulan ng pulisya ang beripikasyon matapos kumalat sa social media ang CCTV footage ng insidente.

Nakipag-ugnayan na ang mga operatiba sa pamunuan ng Barangay E. Rodriguez at Nepa Q-Mart upang alamin ang mga detalye ng insidente.

Gayunman, wala umanong naitalang pormal na reklamo sa barangay at pamunuan ng pamilihan nang magsagawa ng beripikasyon ang pulisya.

Sa kabila nito, nirepaso ng QCPD ang mga available na CCTV footage at humingi ng tulong sa Unified Investigation and Intelligence Center (UIIC) ng distrito upang matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang indibidwal at malaman ang nararapat na hakbang.

Nanawagan naman ang QCPD sa sinumang nakakakilala sa mga indibidwal o may impormasyong makatutulong sa imbestigasyon na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya, tumawag sa E911 o sa QC Helpline 122.