Calendar
‘Pitas hikaw’ suspek timbog, biktimang model pigtas ang teng
NAPIGTAS ang tainga ng isang freelance model nang hablutin ng isang lalaki ang suot niyang gintong hikaw na nagkakahalaga ng P55,000 sa harap ng isang simbahan sa Quezon City.
Arestado ang 32-anyos na suspek na kinilalang si alyas “Ran” matapos matukoy at makilala ng biktima na siya ang nanghablot ng kanyang hikaw.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Jose Luis Aguirre, hepe ng La Loma Police Station 1, naglalakad ang biktima sa harap ng St. Joseph the Worker Parish Church sa Barangay Balingasa dakong alas-10:15 ng umaga noong Oktubre 10 nang hablutin ng suspek ang kanyang pares ng 24-karat gold earrings.
Dahil sa lakas ng paghila, napigtas pati ang tainga ng biktima bago tumakas ang suspek patungo sa center island ng EDSA sa Balintawak.
Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis hanggang sa matukoy ang suspek na kinilala rin ng biktima.
Ayon kay QCPD Acting District Director P/BGen. Christopher Olazo, natuklasan sa beripikasyon na may mga dati nang rekord ang suspek sa kasong robbery (hold-up) noong Disyembre 2021, alarms and scandals noong Marso 2018, at snatching noong Nobyembre 2014.
Nahaharap na ang suspek sa kasong robbery na isinampa sa Quezon City Prosecutor’s Office.
