NCRPO kinumpira na Pasay police chief tanggal sa pwesto

Edd Reyes Oct 16, 2026
57 Views

KINUMPIRMA ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director P/BGen. Christopher Abrahano na tuluyan ng sinibak na sa puwesto ang hepe ng Pasay City Police na si P/Col. Joselito De Sesto.

Pansamantala namang itinalaga ni BGen. Abrahano si P/Col. Robert Baesa na District Deputy Director for Operation ng Southern Police District (SPD) bilang Acting Chief of Police ng lungsod.

Nauna ng napaulat na inalis muna sa kanyang puwesto si Col. De Sesto noon pang nakaraang Setyembre upang hindi maimpluwensiyahan ang isinasagawang imbestigasyon laban sa kanyang mga tauhan na umano’y nasangkot sa hindi maayos na operasyon laban sa ilegal na droga.

Batay sa impormasyon, naaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang pitong sangkot umano sa ilegal na droga subalit kalaunan ay pinawalan ang lima dahil mga menor-de-edad habang tinuluyan ang dalawa.

Nagulat na lang umano ang mga pulis nang kasuhan na sila ng Child Abuse at Robbery na dahilan upang pansamantala munang inalis sa puwesto si Col. De Sesto dahil sa prinsipyo ng command responsibility.

Ang apat namang pulis na kinasuhan, isa rito ay may ranggang Police Major, ang kusang sumuko at nasa restrictive custody na ng NCRPO.