Immigration

2 Tsino na hinahanap sa Beijing tiklo sa Tondo

Jun I Legaspi Nov 4, 2024
31 Views

KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto sa dalawang Chinese nationals na hinahanap sa Beijing dahil sa pagkakasangkot sa mga krimeng pang-ekonomiya.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga naaresto na sina Su Yan, 47, at Hui Chi Lam, 55.

Naaresto ang dalawa noong Oktubre 31 sa kanilang tinitirhang condominium sa Masangkay St., Tondo, Manila.

Sinabi ni Viado na bitbit ng arresting team na binubuo ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI ang mission order na inilabas niya sa kahilingan ng gobyerno ng Tsina.

“They will be deported for being undesirable aliens and their names will be included in our blacklist, banning them from re-entering the Philippines,” pahayag ni Viado.

Nakakulong ang mga dayuhan sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig habang hinihintay ang proseso ng deportasyon.

Sinabi ni Sy na ang dalawang dayuhan hayagang lumabag sa mga batas ng Philippine immigration dahil sa kanilang sobrang pagtigil sa bansa nang hindi nag-apply ng extension ng kanilang pananatili matapos mag-expire ang kanilang tourist visa.

Inakusahan ng mga awtoridad ng Tsina na sina Su at Hui nagsabwatan sa pagbebenta ng mga produktong pinansyal sa mga mamumuhunan nang walang kinakailangang kwalipikasyon at permiso mula sa tamang ahensya ng gobyerno.

Tinatayang nakalikom ng higit sa 59 milyong yuan ($8.2 milyon) ang mga suspek mula nang simulan nila ang kanilang raket noong 2018.