Tulak

2 tulak tiklo sa P258K marijuana

24 Views

Tulak1

LIPA CITY, Batangas — Bagsak sa kulungan noong Huwebes ang dalawang itinuturing na High-Value Individuals (HVI) matapos makumpiskahan ng nasa P258,000 na halaga ng marijuana sa buy-bust sa Barangay Plaridel sa lungsod na ito.

Arestado sa magkasanib na puwersa ng Batangas Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), PDEA Batangas at Lipa City police ang mga suspek na sina alyas Daren, 20-anyos, isang caretaker, at alyas Jhun, 32-anyos, drayber.

Nakuha sa dalawa ang 950 na gramo ng marijuana na nakakahalaga ng P114,000 at isang kumpol na binunot na marijuana na may bigat na 1.2 kilo at nagkakahalaga ng P144,000.

Bukod sa damo nasabat din sa mga suspek ang boodle money na ginamit sa buy-bust, perang cash, cellphone, eco bag, at coin purse.

Mabilis namang binasahan ng kanilang karapatan ang mga suspek habang nakakabit ang mga body-worn camera ng pulisya at sa harap mismo ng mga saksi mula sa barangay at media.

Kasalukuyan nang nakakulong sa Batangas PDEU ang dalawang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.