Calendar
20 simbahan na bahagi ng Jubilee ’25 inihayag
IMUS CITY, CAVITE–Inihayag ang 20 simbahang Katoliko na bahagi ng Jubilee 2025 ng Diocese ng Imus sa pagbubukas ng Year of Jubilee 2025: Pilgrims of Hope sa Diocese of Imus sa Mother Church of Cavite.
Pinangunahan ni Bishop Reynaldo Evangelista D.D ang kick-off celebration noong Linggo sa Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of the Pillar-Imus Cathedral sa Brgy. Poblacion dito.
Nagsalita si Bishop Evangelista sa harap ng mga kura paroko ng 8 lungsod at 15 bayan para sa pagbubukas ng isang taon ng Jubilee celebration.
“Isang beses lang darating ang Jubilee year sa loob ng 25 taon kaya hindi nawawalan ng kabuluhan ang iyong mga sakripisyo sa pagpunta dito sa cathedral. Hindi natin alam kung tayo mabubuhay pa sa 2050 sa susunod na Jubilee year,” sabi ng obispo.
Itinuturing na panahon ng kapayapaan at pagpapatawad ang 2025 dahil sa pagiging Catholic holy year.
Kasama sa listahan ng mga Jubilee churches ang Our Lady of Pillar Cathedral sa Imus, Our Lady of La Salette sa Silang, St. Gregory, ang Dakila sa Indang, Diocesan Shrine at Parish of Immaculate Conception sa Naic, Our Lady of Fatima Parish sa Binakayan, Kawit, Our Lady of Immaculate Conception sa Dasmariñas City, Our Lady of Lourdes sa Maharlika Highway, Tagaytay City, Our Lady of Assumption sa Maragondon, San Miguel, ang Arkanghel at Sto. Nino de Molino sa Bacoor.
St. Augustine Parish sa Mendez-Nuñez, Our Lady of Holy Rosario sa Rosario, Nuestra Sen̈ora de Porta Vaga sa Cavite City, St. Joseph Parish sa Carmona City, Nuestra Señora de Candelaria sa Silang, St. Francis of Assisi sa General Trias City, San Maria Magdalena sa Kawit, St. Jude Thaddeus sa Trece Martires City at St. Augustine Church sa Tanza.
Ang nasabing mga simbahan ay idineklara na Jubilee pilgrim churches at magsisilbing mga lugar ng peregrinasyon para sa espesyal na “panahon ng espirituwal na pagbabago at biyaya para sa unibersal na Simbahan.”