Scam

200 Vietnamese natagpuang nagtatrabaho sa sinarang ‘scam hub’ sa Subic

Jon-jon Reyes Oct 23, 2026
50 Views

Scam1ISINARA ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pinaniniwalaang scam hub sa Subic, Olongapo City noong Oktubre 22 at nadiskubre ang 200 Vietnamese nationals na nagtatrabaho sa lugar.

Nakumpiska rin ang mga computers, mobile phones at mga dokumentong ginagamit sa operasyon, ayon sa report.

Isinagawa ang operasyon ng NBI-Pampanga District Office (PAMDO) alinsunod sa Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) na inisyu ng RTC Branch 73, Olongapo City.

“Nag-iibayo ang aming pagsisikap sa paglaban sa mga scam hub at transnational online fraud. Hindi kami titigil sa pagkumpiska lamang ng mga computer at script sabi ni NBI Director Atty. Melvin Matibag.

“Sinusundan namin ang daloy ng pera mula sa pasilidad na ito patungo sa bawat account na pinaglagyan nito. Sinumang magpahiram ng account para sa mga ganitong operasyon ay mananagot sa ilalim ng batas,” dagdag ng opisyal.

Ipinapakita ng mga ebidensyang nakuha na ang hub ay pinapatakbo na parang isang lehitimong negosyo na mayroong mga shifts na tumatakbo ng 24 oras.

May nakatalagang dibisyon para sa mga bayaran na nagpoproseso ng mga deposito at withdrawal gamit ang isang network ng mga bank account at e-wallet.

Batay sa mga iskedyul ng mga tauhan, may mga grupong nakatalaga para sa mga target sa Pilipinas, United Arab Emirates at Bangladesh.

Sinusuri ng NBI ang bawat manggagawang natagpuan sa lugar upang matukoy kung sino sa kanila ang mga biktima ng human trafficking.

Ang mga mapapatunayang na-recruit sa pamamagitan ng panlilinlang ay ituturing na mga biktima sa ilalim ng RA 9208.

Nakikipag-ugnayan ang NBI sa Bureau of Immigration (BI), sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at sa embahada ng Socialist Republic of Vietnam hinggil sa kapakanan ng mga nadiskubreng Vietnamese workers sa hub.

Naghahanda ang NBI ng mga reklamo laban sa mga indibidwal na nag-organisa, namamahala at nagpondo sa operasyon dahil sa paglabag sRA 12010 (Anti-Financial Account Scamming Act), RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), RA 9160 (Anti-Money Laundering Act of 2001) at RA 9208.

Nakikipagtulungan ang NBI sa Anti-Money Laundering Council at sa mga institusyong pinansyal upang matukoy at i-freeze ang mga account na ginamit sa operasyon.

Iniimbestigahan din ng NBI ang mga operator at ang kanilang mga koneksyon sa ibang bansa.