Kush Source: File photo

238 grams ng kush naharang sa Clark

Bernard Galang May 17, 2025
16 Views

MABALACAT CITY, PAMPANGA–Hindi bababa sa 238.3 na gramo ng kush na nagkakahalaga ng P357,450 ang nasamsam ng mga otoridad sa Port of Clark noong Miyerkules.

Sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Clark Airport Interdiction Unit na nagmula ang kush o high-grade marijuana sa California, USA, at dumating sa Port of Clark noong Mayo 1.

Itinago ang ilegal na substance sa isang pakete na idineklarang “men’s sweater,” ayon sa report.

Ang operasyon nagmula sa impormasyong ipinadala ng mga dayuhang counterpart sa PDEA International Cooperation and Foreign Affairs Service (ICFAS) na nagsasabing isang parsel na naglalaman ng marijuana mula sa Woodland Hills, California ang papunta sa Port of Clark.

“As a matter of procedure, in-examine ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark ang parcel, kung saan positibo ang resulta sa field testing.

Ang mga sumunod na pagsusuri gamit ang PDEA K-9 at Rigaku Progeny analyzer nakumpirma ang pagkakaroon ng ilegal na droga,” pahayag ng PDEA.

Collaborative efforts ng PDEA Clark International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (CRK IADTG), Bureau of Customs-Port of Clark, PNP Aviation Security Unit 3, PNP Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation at PDEA Intelligence Service ang operasyon laban sa kush.