Calendar
24 trak ng relief goods mula sa Kamara para sa nasalanta ng bagyo, tumulak na pa-Bicol
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., inilunsad ng Kamara de Representantes sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang “Tabang Bikol, Tindog Oragon” relief initiative.
Bahagi ng inisyatiba ang pagpapadala ng 24 na trak na puno ng relief goods at P750 milyong halaga ng pinansyal na tulong para sa mga lugar na naapektuhan ng mga bagyo kamakailan, kabilang na ang Catanduanes.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang mga trak ay aalis ngayong araw patungong Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, at Catanduanes.
“Ito ang mensahe sa atin ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos, na tayo ay magkaisa at patunayang kaya nating magtulungan at bumangon mula sa kahit anong unos. Alam natin ang hirap ng ating mga kababayang nasalanta, kaya tayo ay pupunta doon para maghatid ng relief goods at tulong-pinansyal,” ani Speaker Romualdez.
“Pagkakaisa pa rin ang esensya ng ating pagbangon. Sabay-sabay tayong tatayo mula sa kalamidad na ito at magsumikap para sa magandang kinabukasan,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.
Ang mga pagsisikap sa pagtulong, na pinangunahan ni House Appropriations Committee Chairman Zaldy Co, na nagmula sa Bicol, at pakikipagtulungan ni House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada, ay nakatuon sa pagbibigay ng kagyat na ayuda at pagsuporta sa pangmatagalang pagbangon ng mga nasalanta ng bagyo.
Kabilang sa nakapaloob sa inisyatiba ang:
1. Financial assistance payouts: Magsisimula sa Nobyembre 18 ang pamamahagi ng pinansyal na tulong sa ilalim ng Assistance for Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng DSWD sa mahigit 150,000 benepisyaryo sa buong rehiyon.
2. Mini-Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF): Sa Nobyembre 21 ay isasagawa ang mga mini-BPSF event upang magbigay ng pangunahing serbisyo ng iba’t ibang ahensya ang mga residente, kabilang na ang mga programa sa pabahay, pang-kalusugan, at kabuhayan. Gaganapin ito sa Jessie Robredo Coliseum sa Naga City, Ka-Fuerte Sports Complex sa Pili, at BUPC Gymnasium sa Polangui, kung saan inaasahang makikinabang ang 10,000 katao sa bawat lugar.
3. Pamamahagi ng mga ayuda: Isang convoy ng 24 na truck na naglalaman ng mga pagkain, hygiene kits, damit, at iba pang mahahalagang gamit ang aalis mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong araw, Nobyembre 18, upang maghatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.
Ayon kay Gabonada, ang proyektong ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa isang komprehensibo pamamaraan upang agad na makabangon ang mga nasalanta.
Ang relief operation ay nagpapakita ng pagtutulungan sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at mga pribadong donor, tulad ng Tingog Party-list, PHILRECA, National Irrigation Administration (NIA), at iba pa mula sa private sector.
Ang mga pagsisikap na ito ay naglalayong tugunan ang mga agarang pangangailangan ng mga apektadong lugar, kasabay ng pagpapalakas sa mga komunidad para sa kanilang pagbangon mula sa epekto ng kalamidad.
Sinabi ni Speaker Romualdez, ang kahalagahan ng mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan habang tinitiyak ang pangmatagalang pag-unlad para sa mga apektadong komunidad, kung saan ang kanyang distrito ay dati na ring nakaranas ng Super Typhoon Yolanda noong 2013.
“Ito ang ating natutunan sa mga nagdaang bagyo, na ang response and recovery ay dapat mabilis. Dapat naihahatid agad ang tulong sa ating mga apektadong komunidad at dapat ito rin ay hindi lamang pantawid sa nangyari kundi kasama ang tulong sa pagbangon mula sa epekto ng bagyo,” paliwanag ni Speaker Romualdez.
Ang inisyatibang ito ay magtatapos sa pagpapamahagi ng mga relief goods sa mga mini-BPSF events sa Nobyembre 21, na magbibigay-diin sa mensahe ng pagkakaisa at katatagan sa mga apektadong komunidad.
Ang “Tabang Bikol, Tindog Oragon” ay nagpapakita ng dedikasyon ng gobyerno na tiyakin na walang pamilya ang maiiwan sa kanilang pagbangon.