25-anyos na kelot nahulog sa condo, dedo

Mercy Lejarde Jul 19, 2024
37 Views

WALA ng buhay ang isang 25-anyos na binata na hinihinalang nahulog mula sa ika-apat na palapag ng condominium sa Quezon City noong Huwebes.

Ayon sa report, bandang alas-5:00 ng hapon nang matagpuan ang duguang biktima na nakahandusay sa Toyota Fortuner na nakaparada sa lobby ng condo sa Brgy. Sto Cristo, Quezon City.

Nagroronda ang security guard na si Benedict Joseph Moslares sa lobby ng condo nang makarinig siya ng malakas na kalabog mula sa likuran.

Laking gulat ng sekyu ng makita ang biktima na duguan nang nakahandusay sa ibabaw ng Fortuner.

Agad na ipinagbigay-alam ng sikyo ang insidente sa mga opisyal ng Brgy. Sto Cristo na agad namang inireport sa pulisya para sa imbestigasyon at tamang disposisyon.

Dumating ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) team sa pangunguna ni P/Cpt. Daryl Eol. Base sa cursory examination, nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan ang biktima na sanhi ng agaran niyang kamatayan.